Sep 2, 2009

Tamad nga ba ang mga Pilipino?

Sa sanaysay na isinulat ni Rizal tungkol sa katamaran ng mga Pilipino, sinabi niya na ito ay akusasyon ng mga Kastila sa Pilipino nang dahil na rin sa ating lahi at kulay ng balat kung kaya mababa ang tingin sa atin ng mga Kastila.

Isa sa mga dahilan ng pagiging tamad ng mga Pilipino na nabanggit ni Rizal ay ang mainit na klima. Nakakatamad nga naming kumilos at magtrabaho kapag mainit ang panahon. Ang mainit na klima raw ang dahilan ng katamaran ng mga Pilipino.

Sino nga ba ang mas tamad? Ang isang mahirap na empleyado na pumapasok ng alas-otso ng umaga at umuuwi na ng hapon upang magtrabaho para sa kanyang amo o ang kanyang amo na pumapasok ng alas-diyes ng umaga at umaalis na bago mag-tanghali na walang ginawa kundi ang magbasa ng diyaryo habang nakataas pa ang mga paa sa mesa? Ang isang katulong na nagsisilbi sa kanyang amo sa buong araw o ang amo niya na tatanggalin na lang ang sapatos ay ipag-uutos pa sa kanyang katulong?

Ayon kay Rizal, ang mga mananakop na rin daw ang mas nagbigay ng pagkakataong maging tamad ang mga Pilipino. Hindi pinapayagan ng mga Kastila na magtrabaho ang mga Pilipino o gawin ang anumang gawain dahil sa Polo y Servicio o sapilitang paggawa. Isa pa ay ang pagsusugal tulad ng pagsasabong. Ang mga Pilipino ay nahilig sa pagsusugal kaya naman sa halip na magtrabaho ay umaasa na lang sila sa suwerte nila sa sugal.

Sa tingin ko, sa panahon natin ngayon, hindi naman talaga tamad ang mga Pilipino. May ilan na kahit hirap na sa buhay ay nagsusumikap pa ring maghanap ng trabaho matutustusan lamang ang kanilang pangangailangan. Marami ang walang trabaho, hindi dahil tamad sila, kundi walang sapat na oportunidad para sa kanila.


- Orcena, Ma. Amelia

0 comments:


Blogger Templates by Isnaini Dot Com and Volkswagen Cars. Powered by Blogger